Filipino youth volunteers na nag-kampo sa Kalayaan Island, nakabalik na sa Palawan

kalayaan atin itoNakabalik na sa Palawan ang mga Filipino youth volunteers na nagtungo at ilang araw na nag-kampo sa Kalayaan Island sa Spratlys bago mag-Pasko.

Sakay ng M/V Alshedin ang 46 youth volunteers na miyembro ng Kalayaan Atin Ito Movement nang dumating sila sa Barangay Rio Tuba, Bataraza Palawan Linggo ng umaga.

Bitbit ang mga video, larawan at karanasan, ikinuwento ng mga kabataan ang “experience” nila sa mahigit isang linggong pananatili sa Barangay Pag-asa sa Kalayaan at dito, nakita daw mismo nila ang pananakop ng China sa maraming isla na nasa teritoryo ng Pilipinas.

Nakunan din ng grupo ang pagmamanman ng isang Chinese helicopter sa kanilang aktibidad habang nasa isla.

Samantala, tinangka umano ng Philippine Coast Guard sa Bataraza na pigilan ang sinasakyang motorboat ng grupo dahil umano sa illegal na paglalayag. Tumagal ng dalawang oras ang negosasyon dahil gustong kumpiskahin ang motorboat.

Noong linggo ng hapon ay nakabalik ng Puerto Princesa ang mga kabataan habang ang iba ay umuwi na ng kani-kanilang probinsya.

Ang mga miyembro ng Kalayaan Atin ito movement ay naglayag noong bisperas ng pasko (Dec. 24) papuntang Kalayaan Island at nakarating sila doon noong December 26.

Ang biyahe na tinawag nilang “freedom voyage” ay paraan para maipakita ang protesta sa pananakop ng China sa teritoryo ng Pilipinas.

Umaasa din sila na sa ginawa nilang paglalayag sa Spratlys ay mapupukaw ang atensyon ng mundo sa panghihimasok ng China.

Read more...