Typhoon Liwayway lumakas pa, lalabas na ng bansa mamayang gabi

Bahagya pang lumakas ang Typhoon Liwayway na huling namataan ng PAGASA sa layong 505 kilometers Northeast ng Basco Batanes.

Taglay na ngayon ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 155 kilometers bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 190 kilometers bawat oras.

Kumikilos ang bagyong Liwayway sa bilis na 10 kilometers bawat oras sa direksyong pa-hilaga.

Ayon kay PAGASA weather specialist Gener Quitlong, ang mata ng bagyo ay palapit na sa borderline ng Pilipinas kaaya mamayang gabi sa pagitan ng alas 6:00 hanggang alas 8:00 ng gabi ay lalabas na ito ng bansa.

Apektado naman ng Habagat na pinalalakas ng bagyo ang Kanlurang bahagi ng Luzon.

Ngayong araw, ang Batanes, Babuyan Group of Islands, Ilocos Region at Cordillera Administrative Region ay makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan na may pagkulog at pagkidlat.

Samantala, isa pang Low Pressure Area ang binabantayan ng PAGASA na nasa loob na ng bansa.

Huli itong namataan sa layong 915 kilometers East Northeast ng Hinatuan, Surigao del Sur.

Wala pa itong direktang epekto sa bansa, pero ang trough o buntot nito ay nakakaapekto na sa Silangang bahagi ng Mindanao.

Dahil sa trough ng LPA ang Caraga, Northern Mindanao at Davao Region ay makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan.

Localized thunderstorms naman ang iiral sa nalalabi pang bahagi ng bansa kasama na ang Metro Manila.

Nakataas pa rin ang gale warning sa baybayin ng Batanes, Calayan, Babuyan Islands, Cagayan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales at Bataan.

Read more...