Ayon kay Senate Presiden Tito Sotto, inaasahan na niya ang pagsibak ng pangulo kay Faeldon pero sana anya ay sabihan din ang iba pang opisyal ng BuCor na mag-resign na rin.
Iginiit naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na nagsinungaling si Faeldon kahit binigyan ito ng pagkakataon na linawin ang isyu sa pagdinig sa Senado.
Pinuri rin nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senator Panfilo Lacson ang desisyon ng pangulo.
Sinabi ni Lacson na dahil sa pagtanggal kay Faeldon at ultimatum na 15 araw para sumuko ang mga napalayang convicts ay patuloy niyang susuportahan ang kampanya ng pangulo laban sa kriminalidad.
Itinuring naman na tagumpany ni Senator Kiko Pangilinan para sa mga pamilya nina Eileen Sarmenta at Allan Gomez ang pagsibak kay Faeldon.
Nanawagan naman ito na huwag ilipat si Faeldon sa ibang opisina ng gobyerno ngayong sibak na ito sa pwesto.
Dapat anyang kasuhan si Faeldon dahil sa pagsisinungaling nito sa Senado.
Para naman kina Senators Joel Villanueva at Imee Marcos, gagawa sila ng rekomendasyon kasunod ng imbestigasyon ukol sa paglaya ng mga convicts at nasa Kongreso na ang bola para tugunan ang mga isyu laban sa GCTA law.