Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na wala silang namomonitor na banta sa 30th Southeast Asian Games na nakatakdang gawin sa bansa.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP spokesman Brig. Gen. Bernard Banac na wala silang natatanggap na anumang banta sa seguridad.
Gayunman, kailangan pa rin aniyang manatiling alerto at mapagmatyang para mapigilan ang mga hindi inaasahang insidente.
Mahalaga rin aniyang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa lahat ng venue na pagdarausan ng mga laro.
Nasa mahigit 15,000 pulis mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at Police Regional Office 3 (PRO-3) ang ipakakalat sa nasabing 12 araw na sports event.
Idaraos ang 2019 SEA Games sa ilang lugar sa Central Luzon mula November 30 hanggang December 11, 2019.