Nais ng mga magsasaka sa bansa na mapawalang-bisa ang Rice Tarrification Law sa gitna ng pagbagsak ng presyo ng palay.
Inihayag ito ng mga magsasaka sa kanilang protesta harap ng Kongreso Miyerkules ng hapon.
Ayon kay Jansept C. Geronimo taga-pagsalita ng grupong Katarungan, kailangan mapawalang bisa ang Rice Tariffication Law dahil pahirap ito sa mga magsasaka.
Mas bumaba pa ang anya presyo ng palay sa bansa na nasa P7.00 per kilo na kumpara sa dati na P17.00 hanggang P19.00 ang kilo ng palay.
Sinabi pa nito na ang nasabing batas ay kontra sa mga magsasaka dahil pinalakas o mas kumita ang mga rice producer ng ibang bansa.
Kinondena ng grupo ang administrasyong Duterte dahil sa hindi umano pagtugon sa kasalukuyang problema ng mga magsasaka.
Pahayag pa ni Geronimo, patuloy ang paghihirap ng mga pamilya ng mga magsasaka dahil sa umiiral na Rice Tariffication Law.
Sumama sa protesta ang mga magsasaka na galing sa Leyte, Central Luzon, Quezon, Negros Oriental at Negros Occidental.
Â