Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) na bilhin ang palay ng mga magsasaka sa tamang halaga.
Pahayag ito ng pangulo sa gitna ng pag-angal ng mga magsasaka na bumagsak na ang presyo ng palay sa P7 kada kilo kumpara sa P21 kada kilo noong hindi pa ipinatutupad ang Rice Tariffication Law.
Ayon sa pangulo, hindi na bale kung malugi ang pamahalaan basta siguraduhin lamang na matutulungan ang mga magsasagaka.
“What the solution should be or will be for the Secretary of Agriculture to buy all. Magkano ba presyo nila? Magkano presyo nila, bilhin natin. Lugi? Lugi talaga. Are we wasting money? No. We are not wasting an industry. We’re helping an industry. So malugi tayo, eh di malugi,” pahayag ng pangulo.
Pero pakiusap ng pangulo sa mga magsasaka, tiyakin lamang na rasonable ang presyo ng mga ibibenta nilang palay.
“You cannot demand a price. You arrive at a compromise of how much you’re willing to lose a little bit. Medyo tapatan lang basta hindi malugi yung pagod nila, they are compensated,” ani Duterte.
Idinepensa rin ng pangulo ang nilagdaang Rice Tariffication Law dahil kailangan anyang isaaalang-alang ang kapakanan ng higit ng nakararami.