Sa kanilang inilabas na pahayag, sinabi ni Melfrance Capulong ng NGCP Southern Mindanao na nananatiling hindi konektado sa grid ang Agus 1 at Agus 2 hydropowerplants.
Hindi pa rin maisa-ayos ang dalawang planta dahil mariin pa rin ang pagtanggi ng may-ari ng landowner na papasukin ang mga tauhan ng NGCP sa kaniyang lupang kinaroroonan ng binombang steel tower, para ayusin ang mga ito.
Ito’y makaraang pasabugin ang Tower #25 sa kahabaan ng Agus 2 – Kibawe 138 kilovolts line sa Ramain, Lanao del Sur noong bisperas ng Pasko na nagsanhi ng pagka-disconnect ng mga generation plants na may kapasidad na hanggang 150 megawatts.
Ani Capulong, bagaman bumaba ang konsumo ng kuryente dahil sa malamig na panahon at holiday season, idineklara pa rin nila ang “yellow alert” sa Mindanao grid dahil sa patuloy na bumababang lebel ng reserbang kuryente.
Inaasahan aniyang lalo pang titindi ang sitwasyon oras na bumalik na sa operasyon ang mga paaralan at opisina sa pagtatapos ng bakasyon sa January 4.
Muli namang umapela ang NGCP sa pamahalaan, militar at pulis na tulungan sila sa pagbabantay ng mga tore upang matiyak na hindi maabala ang transmission services nila at para maiwasan ang kawalan ng supply ng kuryente.