Legazpi Airport, balik operasyon na matapos ang bird strike

cebu-pacificBalik normal na ang operasyon sa Legazpi Airport makaraang maantala Linggo ng umaga dahil sa mga ibon na nahigop ng makina ng isang pa-lapag nang eroplano.

Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) deputy director general for operations Rodante Joya, nasa 40 patay na maya ang natanggal ng mga mekaniko sa makina ng Cebu Pacific Air flight 5J 321 na mula sa Maynila.

Kinumpirma naman ni Joya na wala ni isa sa 124 na pasahero ang nasaktan sa nangyaring aberya.

Batay sa report ng CAAP, naganap ang bird strike dakong alas sais ng umaga, Linggo, matapos umanong madaanan ng eroplano ang grupo ng mga ibon na nahigop ng makina kaya’t nabalutan ito ng balahibo at dugo.

Gayunpaman, ligtas namang nailapag ng pilotong si Froilan Aguado ang eroplano at saka hinintay ang mga mekaniko para ayusin ang makina.

Dahil sa insidente, nabawasan ang aircraft parking sa paliparan na nagsanhi ng pagkaantala ng mga flights.

Linggo ng hapon naibalik sa normal ang operasyon ng Legazpi Airport.

Read more...