Sa pagdinig ng Senado, inamin ni Faeldon na hindi niya kinuha ang approval ng DOJ Secretary sa pagpapalaya sa mga inmates na may karumal-dumal na mga krimen.
Ikinatwiran ng BuCor chief na hindi niya alam na mayroong department order kaugnay nito.
Napaamin si Faeldon matapos itong pilitin ni Senate Minority Leader Franklin Drilon kung kinuha nito ang pag-apruba ni Justice Secretary Menardo Guevarra bago palayain ang mga convicts.
Kabilang sa napalaya na mga inmates na may heinous crime ang tatlong convicts sa paggahasa at pagpatay sa magkapatid na Marijoy at Jacqueline Chiong sa Cebu.
Pero iginiit ni Drilon na may Department Order No. 953 na inilabas si dating Justice Secretary Alfredo Caguioa noong November 2015 kung saan dapat na may approval mula sa kalihim ng DOJ ang pagapapalaya sa “high-risk” convicts.
Dahil dito ay sinabi Drilon na ang totoo ay alam ni Faeldon ang naturang Department Order sa kabila ng pagtanggi nito.