Ayon kay Senator Panfilo Lacson, dapat magpaliwanag si Panelo kung bakit niya ni-refer sa Board of Pardons and Parole (BPP) ang sulat ng pamilya ni Sanchez na humihiling ng executive clemency.
Pahayag ito ni Lacson matapos mabunyag sa pagdinig sa Senado na noong Pebrero ay inindorso ni Panelo ang apela ng mga Sanchez sa BPP.
Naniniwala ang senador na maramining pwedeng pakahulugan ang ginawa ni Panelo.
“I think we deserve an explanation from him (Panelo). Kung sa context ng pagiging legal officer ng Presidente ok lang ‘yan kasi tumatanggap siya ng complaints. But from the context of being the former defense counsel of Antonio Sanchez, maraming ibig sabihin noon,” ani Lacson.
Paliwanag ni Lacson, hindi pwedeng maihiwalay ni Panelo ang personal na ugnayan nito sa pamilya ng convicted rapist at murderer sa pagiging chief presidential counsel nito.
Iginiit pa ni Lacson na kahit ibinasura ng BPP ang hiling na executive clemency ng pamilya Sanchez, isang isyu ang simpleng pag-refer ni Panelo sa sulat ng pamilya sa gitna ng kasalukuyang posisyon nito.
Matatandaan na si Panelo ang dating abogado ni Sanchez sa kaso nitong paggahasa at pagpatay kay University of the Philippines-Los Baños student Eileen Sarmenta at pagpatay sa kasama nitong si Allan Gomez noong 1993.