Sa isang panayam, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na ikakasa ito oras na bawiin ang release order sa mga nabigyan ng benepisyo sa ilalim ng Republic Act 10592 o Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Aniya, magiging iba ang sistema ng operasyon sa muling pag-aresto sa mga nasabing convicted criminal.
Iginiit din nito na hindi na kailangan ng arrest warrant dahil oras na kanselahin ang kanilang release order, maikokonsidera na silang pugante.
Samantala, naniniwala rin ang kalihim na dapat ibalik sa kulungan ang mga kriminal na sangkot sa heinous crime at ilegal na droga.
Nakikita aniyang hindi maayos ang naging pag-compute sa GCTA ng mga kriminal kung kaya’t kailangan aniyang itama ito.
Sa tala ng Bureau of Corrections (BuCor), nasa kabuuang 22 thousand 49 na bilanggo ang maagang napalaya kung saan 1 thousand 914 ang sangkot sa heinous crimes.