Hinahanapan na ng solusyon ni House Appropriations Committee chairman Isidro Ungab ang posibleng hakbang para mapaglaanan ng pondo ang mga proyektong na-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pambansang pondo ngayong 2019.
Pahayag ito ni Ungab matapos magreklamo ang ilang kongresista sa nawalang budget para sa lihitimong proyekto sa kanilang distrito.
Nais ng ilang kongresista na ipasok ang P70-90-billion na na-slash ngayon 2019 sa 2020 budget, ngunit tinanggihan ito ni Ungab.
Iginiit ni Ungab na hindi kayang maisingit sa pondong gugulungin sa susunod na taon ang nasa P70 billion hanggang P90 billion na tinanggal ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2019 General Appropriations Act.
Isa sa mga kinokonsidera ngayon ni Ungab ang pagpasa ng supplemental budget subalit depende pa rin daw ito sa kung ano mairerekomendang hakbang ng Ehekutibo.
Magpapatawag din siya ng pulong kasama ang Department of Budget and Management (DBM) at Department of Public Works and Highways (DPWH) para makahanap ng mapagkukuhanang source ng pondo sa mga naisantabing proyekto.
Dahil sa may impact ang mga proyektong ito sa ekonomiya, tiniyak ni Ungab na hahanap sila ng paraan para maibalik ang mga pondong para sa mga ito.