Walang balak magbayad ng danyos ang pamilya ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez sa pamilya nina Eileen Sarmenta at Allan Gomez na kapwa pinatay noong 1993.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon at Justice Committee, ikinatwiran ni Ginang Elvira Sanchez na bakit sila magbabayad ng danyos gayung hanggang ngayon ay naniniwala sila na walang kinalaman sa kaso ang dating alkalde.
Sinabi naman ni Sen. Franklin Drilon na dapat umaksyon ang Department of Justice para obligahin sina Sanchez na magbayad ng danyos na umaabot sa P12 Million.
Ipinaliwanag ni Drilon na ito ay nadesisyunan na ng Supreme Court kasabay ng pagpapataw ng parusa kay Sanchez.
Sa kanyang panig ay ipinaliwanag ni Justice Sec. Menardo Guevarra na dapat ay ang private prosecutor ang maghabol sa danyos dahil ang aspetong criminal case lamang ang kanilang interes sa kaso.
Sinabi rin ng kalihim na lampas na sa prescriptive period ang paghahabol sa danyos dahil nangyari ang krimen at inilabas ang desisyon noon pang 1995.