DoJ inatasan ng Malakanyang na pag-aralan ang posibleng pag-arestong muli sa mga nakalayang bilanggo

Pinakikilos na ng Palasyo ng Malakanyang ang Department of Justice (DoJ) para pag-aralang muli ang posibilidad na maibalik sa kulungan ang mga bilanggo na nakalaya dahil sa Republic Act 10592 o Good Conduct Time Allowance (GCTA) law subalit hindi naman pala kwalipikadong makalaya dahil sa mga karumal-dumal na krimen na kinasangkutan ng mga ito.

Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, dapat na magsilbing halimbawa ang kasong pinag-desisyunan noon ng Supreme Court (SC) na muling arestuhin ang isang pinalayang inmate na pinalabas ng kulungan dahil sa Good Conduct Time Allowance.

Ayon kay Panelo, maaari itong gawing basehan para maibalik ang mga presong nakabenepisyo sa RA 10592 pero ineligible pala at walang karapatang gawaran ng kalayaan sa ilalim ng GCTA.

Maaari din aniyang gamiting sandata sa pagbabalik kulungan kontra sa mga nabigyan ng layang presong nahatulan dahil sa heinous crime ang Article 99 ng Revised Penal Code.

Ito ay ang probisyong nagsasabing maaaring maibalik sa kulungan ang nakinabang sa GCTA matapos madiskubreng hindi pala karapat-dapat na lumaya.

Read more...