Naayos na ang gusot ng mga kongresista may kinalaman sa P4.1T national budget.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, nagkaroon ng pulong ang mga lider ng Kamara upang hindi maantala ang pagpasa sa 2020 national budget at patuloy nilang bubusisiin ito para matiyak na walang nakasingit na pork barrel funds.
Humiling na rin si Cayetano ng written presentations mula sa lahat ng kagawaran at ahensya ng pamahalaan patungkol sa kanilang gugulungin na pondo sa susunod na taon, na kailangan maisumite sa kanyang opisina bago mag alas-5:00 mamayang hapon.
Tiniyak rin nito na na ire-refer ng rules committee ang 2020 General Appropriations Bill sa Committee on Appropriations.
Sa pulong na ipinatawag ni Cayetano na dinaluhan ng mga lider ng Kamara at vice chairmen ng appropriations committee sa pangunguna ni Davao City Rep. Isidro Ungab, naplantsa na ang anumang hindi pagkakaintindihan at kalituhan na umusbong sa budget deliberations.
Dahil dito, sinabi ni Cayetano na on time pa rin ang pagpasa nila ng budget sa target nilang petsa na bago ang break ng Kongreso sa Oktubre 5.