Iimbestigahan din ang paglaya ng apat na convicted rapists ng magka-patid na Chiong sa Cebu city at ang apat pang Chinese drug lords sa Muntinlupa.
Pero, ang tanong, sisipot ba si Faeldon sa naturang hearing? Tandaan nating nagpakulong si Faeldon sa Senado noong imbestigahan sa P6-bilyon shabu shipment sa Bureau of Customs. Nakaligtas lamang siya nang ilipat siya sa Bureau of Corrections ni President Duterte.
Sa totoo, maraming tanong na dapat sagutin ang GCTA law na ito o Republic Act 10521 na nilagdaan ni PNoy noong Mayo 29, 2013. Ito’y para sa mga “PDL” o “persons deprived with liberty” na papayagang makalaya basta sumunod sa regulasyon at merong “good conduct”.
Marso 26, 2014, lu-mabas ang IRR na pinirmahan nina dating Justice secretary Leila De Lima at dating Interior secretary Mar Roxas at nagkabisa noon ding Abril 18.
Batay sa talaan ng BuCor, meron ng 22,049 presong nakalaya dahil sa GCTA law.
Noong 2014, 1,601 preso ang nakalabas ng selda at 3,169 naman noong 2015. Noong 2016, 4,765 ang nakalabas sa administrasyong PNoy at Duterte.
Noong 2017, 4,836 ang nakalaya samantalang 2018, ito’y bumaba sa 3,932. Ngayong 2019 na walong buwan na ang nakakaraan, merong 3716 presong nakalabas sa pamamahala ni Director Faeldon.
Pero, doon sa listahan ng mga karumal-dumal na krimen, ang mga pinalaya ng GCTA law ay 1,914 na “heinous convicts”, 797 dito ay mga murderers, 758 ang rapists, 274 ang pagnanakaw, 48 ang illegal drugs, 29 ang parricide, 5 sa kidnapping with ransom at 3 sa arson.
Noong panahon ni PNoy, merong 62 “heinous convicts” na pinalaya noong 2014, 105 noong 2015 at 212 sa taong 2016. Nang pumasok ang Duterte administration, 335 heinous convicts ang nakalabas noong 2017, sinundan ito ng 384 noong 2018 kung kailan naging Bucor director Sen. Bato de la Rosa noong Abril hanggang Oktubre bago siya kumandidato? At sa pagpasok nga ni Director Faeldon nitong 2019, sobra pa sa doble ang nakalayang heinous convicts na umabot sa 816.
Pansinin din natin na noong panahon ni PNoy ang nabigyan ng executive clemency ay apat noong 2014, dalawa noong 2015 at zero noong 2016. Pero nitong panahon ni Duterte, 31 ang nabigyan noong 2017, lima noong 2018 at 12 nitong kasalukuyang taon.
Maliwanag sa listahang ito na dapat magpaliwanag si Faeldon kung bakit ubod ng dami o 816 “heinous convicts” ang kanyang pinalaya gayong halos walong buwan pa lamang siya sa pwesto. Kabilang na ba rito ang mga “rapists” at pumatay sa “Chiong sisters”? Kasama ba rito ang apat na Chinese drug lords na ngayo’y hindi malaman kung nasaan na?
Marami pang detalye ang hindi pa nabubulgar dito at malamang “iwas pusoy” na naman itong si Faeldon. Kaya, Mr. President, now na, alam na this. Sibakin, kasuhan at i-lifestyle check kaagad iyang si Faeldon.