Magtatapos na eksakto alas-4:30 mamayang hapon ang paghahanap sa susunod na Chief Justice ng Korte Suprema.
Magugunitang ang deadline ngayong araw ay ang pagpapalawig sa nauna nang August 20 deadline na itinakda ng Judicial and Bar Council (JBC).
Ang JBC ang tumatanggap ng aplikasyon, nagsasala at nagnonomina para sa mga mababakanteng pwesto sa hudikatura.
Hanggang ngayon, may apat na Supreme Court associate justices ang nominado para sa posisyon o sina Diosdado M. Peralta, Estela M. Perlas Bernabe, Andres B. Reyes Jr., at Jose C. Reyes Jr.
Nakatakda nang magretiro si Chief Justice Lucas Bersamin sa October 18 dahil maaabot na nito ang mandatory retirement age na 70 para sa mga miyembro ng hudikatura.
Pagkatapos ng aplikasyon, magsusumite ng tatlong pangalan ang JBC kay Pangulong Rodrigo Duterte na siya namang pipili ng papalit kay Bersamin sa loob ng 90 araw matapos ang retirement nito.