Muling inakusahan ng Philippine Army ang New People’s Army o NPA nang paglabag sa holiday ceasefire matapos ang pag-atake ng kanilang tropa sa Goa, Camarines Sur noong Bagong Taon.
Pahayag ng Philippine Army, walong miyembro ng 83rd Infantry Battalion at anim na CAFGU members ng 22nd Infantry Battalion ang tinambangan ng hindi bababa sa sampung pinaghihinalaang NPA noong Biyernes.
Ayon naman kay Col. Claudio Yucot ng 901st Infantry Brigade, nagsasagawa ng “New Year’s visit” ang kanyang tropa nang tambangan ng rebeldeng grupo.
Hindi naman nasugatan ang mga sundalo at nakatakas sa naturang pananambang ng NPA.
Nabatid na may sugatan sa kampo ng NPA base sa nakitang bakas ng dugo sa pinangyarihan ng sagupaan.
Dagdag ni Yucot, nakumpiska ang isang M14 rifle, AK50 rifle, dalawang hand grenades, bandoleers na may 18 assorted magazines at ammunitions matapos ang ilang minutong sagupaan ng dalawang panig.
Nadiskubre rin aniya ng mga sundalo na nagtanim na mga landmine ang NPA sa kanilang dadaanan patungo sa barangay.
Dahil sa kasalukuyang ipinatupad na ceasefire ng gobyerno, hindi na nag-utos ng pursuit operation si Yucot laban sa rebeldeng grupo.
Nauna nang inakusahan ng Philippine Army ang NPA ng paglabag sa holiday ceasefire noong December 26.
Matatandaang nagdeklara ng holiday ceasefire ang Communist Party of the Philippines noong December 23, 2015 ng 12:01 am hanggang 11:59 pm ng January 3, 2016.