Inaprubahan ng City Council ang resolusyon kung saan hinihiling sa Department of Education–Division of City Schools at sa Commission on Higher Education (CHED) na obligahin ang mga private at public schools na isama sa enrolment form ang impormasyon tungkol sa data handedness ng mga mag-aaral.
Kailangang mayroon nang tanong sa enrolment form kung left-handed o right-handed pa ang estudyante upang malikom ang datos o bilang ng mga kanan at ng mga kaliweteng mag-aaral.
Sa ilalim kasi ng Senate Bill No. 31, o An Act Instituting a Comprehensive and Holistic Framework and Programs for left handers and for other purposes, pinatitiyak na may materyales na maibibigay para sa mga kaliweteng estudyante.
Halimbawa na lamang ang arm chairs na madalas ay nakadisenyo talaga para sa mga right-handed na mag-aaral.
Ayon kay Baguio City Councilor Vladimir Cayabas, dahil ang arm chair ay nakadisenyo na para lamang sa mga right-handed, ang mga kaliweteng estudyante ay napipilitang mag-convert bilang right-handed.
Si Cayabas ay isang natural left-handed at nang mag-aral umano siya noong elementarya ay nahirapan siyang magsulat sa arm chairs.
Ani Cayabas kapag nalikom ang bilang ng left-handed na estudyante, makapaglalaan ng sapat na bilang ng school materials para sa kanila.