Base sa dalawang pahinang case fact sheet na ipinaabot kay Prosecutor General Benedicto Malcontento, ang reklamo ay nag-ugat sa salaysay ng isang Guillermina Barrido alias Guillermina Arcillas ng Davao del Norte.
Bukod kay Trillanes kasama din sa mga kinasuhan sina Fr. Albert Alejo, Atty. Jude Sabio at isang Sister Ling ng Convent of Cannossian Sisters sa Makati City.
Sa sumbong ni Barrido, 2017 nang may nag alok sa kanya ng P1 milyon mula sa kampo ni Trillanes kapalit ng pagtestigo sa umano’y pagkakasangkot ni Pangulong Duterte sa mga ilegal na gawain.
Dagdag pa ni Barrido ang paunang P500,000 ay para idiin si Pangulong Duterte sa Davao Death Squad.
Samantala, ang P500,000 ay para naman sa pagtestigo niya sa International Criminal Court kung saan inireklamo nina Trillanes at Sabio si Pangulong Duterte kaugnay naman sa extra judicial killings o EJKs.
Base sa sinumpaang salaysay ni Barrido, noon Disyembre 9 hanggang 16 itrinato siya na parang bilanggo nina Trillanes at Fr. Sabio sa kumbento ng Cannossian Sisters sa Makati City at Holy Spirit Convent sa Quezon City.
Itinuro naman nito si Sr. Ling sa nagbabawal sa kanya at naglilimita ng kanyang mga hakbang sa loob ng kumbento.
Si Sabio at Fr. Alejo naman daw ang sumundo sa kanya sa NAIA T3 noong Dec. 6, 2016 mula sa General Santos City.
Binanggit din nito ang isang Olivia na staff umano ni VP Leni Robredo na may nalalaman sa kanyang kalagayan.
Dagdag pa ni Barrido ilang ulit din niyang nakausap si Trillanes sa cellphone.
May mga email din siya aniya na magpapatunay sa mga plano nina Trillanes.