Diocese of Cubao, pormal nang binuksan ang ’cause of sainthood’ ni Darwin Ramos

Servant of God Darwin Ramos, Cause for Canonization FB page

Pormal nang binuksan ng Diocese of Cubao ang ‘cause of sainthood’ ng Servant of God at batang si Darwin Ramos.

Kahapon inanunsyo ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco sa Immaculate Conception Cathedral ang pagbuo sa isang investigative body na magsisiyasat kung namuhay nang may ‘heroic virtues’ si Darwin.

Kailangang malaman ng investigative body kung nakamtan na ni Darwin ang beatific vision kasama ang Diyos at iba pang mga banal.

Iniharap kahapon ng postulator ni Darwin na si Fr. Thomas de Gabore, isang French Dominican priest ang pagsusulong sa ‘cause of sainthood.

Nakasama ni Fr. Thomas si Darwin sa huling mga linggo nito sa mundo.

Si Darwin ay kinupkop noon ng grupong Tulay ng Kabataan, isang French-funded non-government organization na nangangalaga sa mga batang lansangan.

Ayon sa pari, kahanga-hanga ang naging buhay ispiritwal ni Darwin at malalim ang pananampalataya nito sa Panginoong Hesukristo sa kabila ng karamdaman.

Nagkaroon ng Duchenne muscular dystrophy si Darwin, isang genetic illness ngunit hindi ito naging hadlang para maging huwaran siya sa mga kapwa kabataan.

Ayon kay Fr. de Gabore, walang kahit isang araw na hindi ipinagkatiwala ni Darwin ang kanyang sarili sa Panginoon.

Kaya’t naniniwala umano siyang nasa langit na ito na kanya namang papatunayan sa tribunal at sa Simbahang Katolika.

Pumanaw si Darwin sa Philippine Children’s Medical Center sa Quezon City noong September 23, 2012 sa edad na 17.

 

Read more...