Sa Senate Bill No. 966 ni Senator Grace Poe, layon na protektahan at bantayan ang kapakanan ng mga guro at mag-aaral.
Kapag naging batas, hindi na pwedeng magbigay ng assignment ang mga guro sa elementary at high schools sa mga estudyante mula Kinder hanggang Grade 12 kapag Sabado at Linggo.
“Assigning homework or assignments to students will only be allowed on weekdays; provided, that such homework shall be minimal and will not require more than four hours to be completed,” nakasaad sa bill ni Poe.
Ayon sa senadora, sa pamamagitan ng panukalang batas ay maiiwasan na makaapekto sa kalusugan at karapatan sa balanseng pamumuhay ng mga estudyante at guro ang weekend homework.
Layon din ng bill na isulong ang pagkakapantay-pantay ng mga estudyante sa iba’t ibang “socio-economic backgrounds.”
Binanggit ni Poe ang datos sa 2009 Organization for Economic Cooperation and Development’s Program for International Student Assessment (OECD PISA) kung saan nakasaad na ang 4 na oras na homework kada linggo ay mayroong epekto sa pag-aaral ng estudyante.
Dagdag ng senadora, ang asignatura sa weekend ay dagdag stress lamang sa mga mag-aaral, guro gayundin sa mga magulang.
May nauna nang naihain na parehong panukalang batas sa Kamara.