22 ‘unaccounted’ sa nasunog na barko sa Dapitan; 3 kumpirmadong patay, 245 nailigtas

Courtesy: Allan Barredo

Inihayag ng Philippine Coast Guard-Dapitan na nasa 22 ang nananatiling “unaccounted” matapos masunog ang isang barko sa karagatang sakop ng Dapitan City Miyerkules ng madaling araw.

Sa huling tala ng PCG-Dapitan hanggang alas 8:00 Miyerkules ng gabi, 3 katao ang kumpirmadong nasawi habang 245 ang nailigtas.

Kinilala ang mga namatay na sina Danilo Gomez, 60, Ronaldo Heneral, 65 at ang 1 anyos na batang babae na si Chloe Labisig.

Ayon sa PCG-Dapitan, ang 22 unaccounted persons ay pinaniniwalaang mga crew ng Lite Ferry 16 na nasunog habang papalapit sa pantalan sa Dapitan City mula sa Cebu.

Mayroong 38 crew members ang barko pero 16 lamang ang nakaligtas na may pagka-kilanlan.

Pero hindi kinumpirma ng PDG-Dapitan kung ang natitirang 22 unaccounted persons ay makukunsiderang nawawala dahil patuloy ang imbestigasyon at kailangan pa itong i-validate.

Courtesy: Allan Barredo

Lumabas sa report na marami ang nakasakay na mga pasahero sa barko nang mangyari ang insidente.

Pero sinabi ng Lite Shipping Corporation na nasa 180 pasahero lamang ang sakay ng barko nang umalis ito sa bayan ng Samboan.

Tiniyak naman ng PCG sa Central Visayas na hindi overloaded ang barko at nakapasa ito sa pre-departure inspection dahil ang passenger maximum capacity nito ay 317 kabilang ang mga crew.

Dagdag ng PCG-Dapitan, nang magpadala ng alarma ang Lite Ferry 16 ay agad na naabisuhan ang mga nakapaligid na pantalan ukol sa pangyayari.

Nasa tatlong commercial vessels ang agad ding pumunta sa lugar para tulungan ang otoridad sa rescue operation.

 

Read more...