Kahapon, araw ng Martes, nagpulong ang Metro Manila Council at sinabi ng mga alkalde na nangangalahati na sila at ang iba ay higit na sa kalahati sa pagsasagawa ng clearing operations.
Isang buwan na lang ang natitira sa mga alkalde para malinis sa mga obstructions ang mga kalsada sa kanilang lungsod.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) general manager Jojo Garcia, sa Quezon City, Maynila at Caloocan – tatlo sa pinakamalalaking lungsod ng Metro Manila ay nasa 80 hanggang 90 porsyento na ng public roads ang nalinis.
Nagiging problema naman tulad sa Pasig ang pagbalik ng illegal vendors sa mga lansangan kapag wala na ang mga awtoridad.
Pero tiwala pa rin si Pasig City Mayor Vico Sotto na maaabot ang 100 percent bago ang deadline.
Sa San Juan naman, nakatanggap ng suporta ang panukalang paggamit sa mga nakatenggang lote para gawing parking spaces.
Unang nakatapos sa paglilinis sa public roads bago pa ang deadline ay ang lungsod ng Marikina.
Ang clearing operations sa mga public roads ay ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng local government officials sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) noong July 22.