Lorenzana nais ng mas mataas na budget para sa militar para bantayan ang territorial waters

Iginiit ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na maliit lamang ang kakayahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipagtanggol ang territorial waters ng bansa sa gitna ng panghihimasok ng foreign vessels.

Sa hearing ng Kamara araw ng Martes para sa 2020 budget ng DND, sinabi ni Lorenzana na kulang ang kagamitan ng militar para bantayan ang malawak na karagatan ng bansa.

Dahil dito, nais ng DND ng P29 bilyong budget para sa Navy sa 2020, mas mataas ng 4.3 percent sa kasalukuyang P27.84 bilyong pondo ngayong taon.

Ang pahayag ng defense chief ay sa kabila ng mga tanong ukol sa presensya ng Chinese warships at survey vessels na nasa loob ng exclusive economic zone ng bansa.

Sinabi naman ni Lorenzana sa House panel na babantayan ang Sibutu Strait sa Tawi-Tawi na dinaanan ng mga Chinese ships.

“Currently, we have very small capability to react this intrusion. First, our territorial sea is so vast and we have very few equipment, but intrusion that was in the news recently is in Sibutu Strait and that can be easily guarded,” ani Lorenzana.

Iginiit naman nito na mapipigilan na ng Navy ang Chinese warships matapos ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangan muna ng mga ito na humingi ng permiso sa bansa.

Bago kasi anya ang utos ni Duterte, walang basehan ang Navy na harangin ang Chinese ships.

Nauna nang inihayag ni Lorenzana ang pagdaan ng apat na Chinese warships sa Sibutu Strait simula noong Pebrero.

 

Read more...