Aprubado na ng House Committee on Ways and Means ang panukalang nagtatanggal ng Documentary Stamp Tax (DST) sa diploma, transcript at iba pang records.
Sa budget briefing ng komite, nag mosyon si Baguio Rep. Mark Go na alisin ng DTS ang mga non-monetary documents tulad ng diploma para sa 1.2 milyong nagtatapos sa kolehiyo kada taon, transcript of records ng may 2 milyong Senior High School Graduate kada taon at iba pang certification sa paaralan.
Bukod pa dito, kasama rin ang Oath of Office ng 650,000 opisyal ng barangay, at iba pang elective officials, Good Moral Standing Certificate na hinihingi ng Philippine Regulations Commission, na kinukuha ng mga propesyonal kada tatlong taon, Affidavit of Loss at iba pang Certificates/Notarized Documents, Proxies, Certificate of No Marriage Record at Baptismal Certificate.
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng komite na mababawasan ng P450 milyon ang kita ng gobyerno mula sa DST.
Kasabay nito, ipinasa rin ng komite ang Passive Income Financial Intermediation Tax Bill o PIFITA kung saan kikita naman ang gobyerno ng P4.2 bilyon.
Nakasaad sa ilalim ng PIFITA na gagawing mas simple ang pagbubuwis para maging madali ang pagkolekta ng gobyerno ng buwis.
Isinama din sa panukala ang unified tax rate na 15 porsyento para sa interests, dividends at capital gains.