Mayroon nang bagong capital city ang Indonesia.
Sa press conference sa State Palace sa Central Jakarta araw ng Lunes, inanunsiyo ni Indonesian President Joko “Jokowi” Widodo na ang napiling bagong capital city ay nasa pagitan ng North Penajam Paser regency at Kutai Kertanegara regency sa East Kalimantan, sa isla ng Borneo.
Nagsagawa aniya ng malalimang pag-aaral ang gobyerno sa nakalipas na tatlong taon ukol dito.
Layon aniya ng pagbabago ng capital city na irepresenta ang pag-unlad ng bansa.
Nagpadala rin aniya ng liham sa House of Representatives para makapaghanda ang gobyerno ng panukalang batas ukol sa relokasyon ng capital city.
Wala pang pangalan na naibigay para sa kabisera ng bansa.
Ang bagong capital city ang magiging sentro ng gobyerno habang ang Jakarta ay mananatili namang sentro para sa sektor ng negosyo at ekonomiya.
Pinag-aralan ng National Development Planning Agency (Bappenas) sa pamumuno ni Bambang Brodjonegoro ang tatlong probinsya na inirekomenda bilang bagong capital city.
Ang requirements ng South, Central at East Kalimantan ay pasok para maging bagong capital city kabilang ang pagiging ligtas nito sa lindol at pagputok ng bulkan.
Lumalabas sa pag-aaral na ang Jakarta na tahanan ng 10 milyong katao ay may ilang bahagi na lumulubog ng 10 inches kada taon at halos kalahati ay mas mababa na ngayon sa sea level.