Bagyong Jenny lumakas pa habang nasa Philippine Sea; signal no.1 nakataas sa 20 lugar

Bahagya pang lumakas ang Tropical Depression Jenny habang kumikilos sa Philippine Sea.

Ayon sa 11pm severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 530 kilometro, Silangan ng Virac, Catanduanes.

Taglay na nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometro kada oras.

Kumikilos ang bagyo pa-Kanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras.

Inaasahang tatama sa kalupaan ang bagyo partikular sa eastern coastline ng Isabela-Aurora area sa pagitan ng Martes ng gabi o Miyerkules ng umaga.

Nakataas ngayon ang Tropical Cyclone Warning signal no. 1 sa Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Aurora, Nueva Ecija, Tarlac, northern portion of Zambales, northern portion of Quezon kasama ang Polillo Islands at Catanduanes.

Ngayong gabi hanggang bukas ng tanghali katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan ang mararanasan sa Bicol Region, Eastern Visayas, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Aurora, at Quezon.

Mahina hanggang katamtaman na minsan ay malalakas na pag-ulan naman ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng Luzon kasama ang Metro Manila, nalalabing bahagi ng Visayas at Zamboanga Peninsula.

Mula naman bukas ng tanghali hanggang hatingggabi ng Miyerkules, malalakas na pag-ulan ang mararanasan sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, Nueva Vizcaya, Quirino, Benguet at Pangasinan.

Mahina hanggang katamtaman na minsan ay malalakas na pag-ulan ang mararanasan sa Western Visayas at nalalabing bahagi ng Luzon.

Pinapayuhan ang mga residente sa mga mabababa at delikadong lugar na mag-ingat sa pagbaha at pagguho ng lupa.

Mapanganib at ipinagbabawal ngayon ang paglalayag sa mga lugar na nasa ilalim ng tropical cyclone warning signals.

Miyerkules ng gabi inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Jenny.

Read more...