Nakararanas ng pagbaha sa maraming lugar sa Ilocos Norte kasunod ng mga pag-ulang dala ng bagyong Ineng at ng Habagat.
Kaugnay nito, inilagay na sa State of Calamity ang Laoag City dahil sa nararanasang pagbaha sa lungsod.
Sinuspindi na rin ni Mayor Michael Marcos Keon ang lahat ng pasok sa mga opisina at mga paaralan ngayong araw (August 24,2019).
Nagsagawa naman ng rescue operation sa ilang binahang barangay.
Sa Facebook page ng Provincial Government of Ilocos Norte, ibinahagi ang larawan ng rescue operation sa Barangay 7B sa Laoag City kung saan makikita ang isang babae at kanyang bagong silang na sanggol na isinakay sa isang makeshift boat na gawa sa sirang refrigerator.
Halos umabot na ang tubig sa Bacarra bridge at sa barangay Tamdagan sa bayan ng Vintar sa Ilocos Norte.
Halos lubog naman ang gulong ng sasakyan sa taas ng tubig baha sa kalsada sa pagitan ng Bacarra at Pasuquin.