Barko ng China bumalik sa EEZ ng Pilipinas

Credit: Ryan Martison

Bumalik sa teritoryong sakop ng Pilipinas ang survey ship ng China na unang pinalagan ng bansa dahil wala itong abiso sa mga otoridad.

Sa kanyang twitter ay ibinahagi ni Prof. Ryan Martison ng US Naval War College na muling nakita sa satellite images ang Chinese survey ship na Zhang Jian sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

Ayon kay Martison, bumalik sa silangang bahagi ng bansa ang Zhang Jian at tinatahak nito ang direksyong pa-Kanluran sa bilis na 10 knots.

Batay sa satellite track, tila nagsasagawa ang Chinese research vessel ng exploration malapit sa EEZ.

Ang Zhang Jian ang parehong barko na namataan noong August 3 hanggang 5 sa karagatang sakop ng Pilipinas, dahilan para ito kwestyunin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana dahil wala itong abiso sa gobyerno.

Mayroon namang hiwalay na facebook post si Jess Goren ng Karagatan Patrol kung saan makikita ang barko sa 200 kilometers ng northeast ng Catanduanes noong August 22.

 

Read more...