Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, dahil sa bagong mga kondisyon, mahihirapan na ang mga STL operators na magkaroon ng excuse sa pagremit at hindi maiisahan ng mga ito ang gobyerno sa usapin ng shares.
“From my point of view, the conditions are very onerous on the part of the STL and there is parang mahirapan na silang magkaroon ng excuse not to remit or to swindle the government with respect to the shares.”
Miyerkules ng gabi nang kumpirmahan ni Presidential Spokesperson Panelo ang pag-alis sa suspensyon ng STL operations alinsunod sa mga kondisyon.
Ang mga kondisyon ay inanunsyo ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma sa pamamagitan ng Facebook live:
– Pagdedeposito ng Authorized Agent Corporations (AACs) ng cash bond na katumbas ng tatlong buwang PCSO share sa guaranteed minimun monthly retail receipt o GMMRR na bukod sa kasalukuyan nilang cash bond.
– Kapag nabigo ang mga STL operator na makapag-remit sa oras ng kanilang GMMRR sa panahon ng kanilang operasyon, ang cash bond na katumbas ng tatlong buwan ay magiging awtomatikong forfeited pabor sa PCSO.
– katlo, kailangan ding gumawa ng sinumpaang kasulatan ang mga authorized agent corporation na kanilang susundin ang mga obligasyon na nakasaad sa STL-Agency agreement at hindi sila hihingi ng anumang claims sa ahensya maging ito man ay monetary; hindi hihingi ng injunction sa anumang korte upang pigilan ang gobyerno na i-exercise ang kanilang rights of prerogative.
– Panghuli, lahat ng permit ng mga STL Agency na mabibigong sumunod sa mga kondisyon na nakasaad sa IRR ay awtomatikong mate-terminate.
Ayon kay Panelo, ang PCSO ang nagrekomenda sa pangulo ng pag-alis sa suspensyon ng STL operations.
Naniniwala naman ang kalihim na hindi makakaapekto sa isinasagawang imbestigasyon laban sa tiwalang opisyal ng PSCO at operators ang pagbabalik ng STL.