Napuno na rin si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Caesar Dulay sa koluministang si Ramon Tulfo.
Inireklamo ng libel at cyber libel ni Dulay si Tulfo dahil sa mga malisyosong artikulo nito na lumabas sa Manila Times.
Ayon kay Dulay, ang mga maling isinulat ni Tulfo ay dinampot din ng ibang mamamahayag kaya’t minabuti na niyang gumawa ng legal na aksyon.
Sa kaniyang column na may pamagat na ‘My line of sight conversations between two BIR execs reveals all,’ pinaratangan nito si Dulay na may ‘skeletons in the closet’ at pinaratangan ang BIR na ‘graft-ridden agency.’
Sinundan ito ng bintang na nagkaroon diumano ng bayaran sa multi-billion peso tax cases ng isang delinkuwenteng kumpaniya at isinalarawan si Dulay na “insatiable greedy extortionist, cheat and a corrupt official in Duterte government.’
Sa pangatlong column na lumabas noong Martes (August 20), hiningi ni Tulfo na imbestigahan si Dulay dahil sa pagbabayad ng Del Monte ng P65 milyon lang gayung ang utang ng kumpaniya sa buwis ay P8.7 bilyon.
Pagdidiin ni Dulay, pawang kasinungalingan ang isinulat ni Tulfo at mistulang isinalarawan siya na kampon ng demonyo.
Sa pagrereklamo ng opisyal laban sa special envoy to China, humingi ito ng P20 milyon bilang danyos at hinilin din na magpalabas ng precautionary hold departure order laban kay Tulfo.
Una nang sinampahan ng mga katulad na kaso si Tulfo ni Executive Sec. Salvador Medialdea at BIR executive Teresita Angeles dahil din sa mga isinulat ng kolumnista.