Tututukan ng Philippine National Police (PNP) ang magiging pag-uugali ng mga preso na mapapalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance.
Sa isang panayam sa Camp Bagong Diwa sa Taguig, sinabi ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde na ito ang tanging magagawa ng kanilang hanay oras na mapalaya na ang mga bilanggo.
Ani Albayalde, kailangan lang sundin ang rule of law dahil ito ang nakasaad sa batas na mayroong posibilidad na makalaya ang ilang preso dahil sa kanilang ipinakitang ‘good behavior’ sa loob ng piitan.
Sa ngayon, hindi aniya maaaring kumontra o magbigay ng anumang uri ng komento laban sa naturang batas.
Iginiit din nito na kailangan lamang irespeto ang magiging desisyon ng korte.
Samantala, hindi naman idinetalye ng PNP chief kung ano ang magiging hakbang para rito.