Sec. William Dar ng DA dismayado nang walang nakitang foot bath sa NAIA T2 at Davao Airport

FILE PHOTO | NAIA T2

Dismayado si Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar dahil sa kawalan ng foot bath sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 at Davao Airport.

Bumiyahe si Dar ngayong araw patungong Davao at wala itong nakitang foot bath sa terminal 2 ng NAIA at sa Davao Airport.

Bahagi ng preventive measures laban sa African Swine Fever ang paglalagay ng foot bath.

Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni DA Spokesperson Noel Reyes na agad tinawag ni Dar ang atensyon ng Bureau of Animal Industry (BAI) dahil sa insidente.

Ang foot bath ay inilalagay sa mga paliparan sa bansa para ma-disinfect ang mga pasahero na maaring magkaroon ng contact sa baboy o kaya ay may pinanggalingang farm o piggery.

Una dito ay sinabi ng BAI na dinamihan at nilakihan pa nila ang mga foot bath sa paliparan.

Samantala, nanawagan si Reyes sa publiko na agad ipaalam sa kanila kapag walang nakitang foot bath sa mga paliparan sa bansa. Maari aniyang tumawag sa hotline ng BAI na 0995-132-9339 at 0920-85431019.

Read more...