Ilan pang lalawigan ang nagpatupad ng temporary ban sa pag-angkat ng baboy sa gitna ng pangamba sa African Swine Fever (ASF).
Kabilang sa mga hakbang laban sa swine flu ang pansamantalang pagbabawal ng pagpasok ng baboy galing sa ibang probinsya gayundin ang pagpapatupad ng Quarantine checkpoint.
Pansamantala ring isinara ang mga lagakan ng baboy sa Guiguinto, Bulacan.
Nasa 60 porsyento ng baboy na dumarating sa Metro Manila ay nagmumula sa naturang probinsya.
Binuo naman ang isang task force sa Cebu para hindi magkahawaan ng sakit ang mga alagang baboy.
Sa Pampanga, ininspeksyon ng provincial veterinary office ang mga babuyan sa lalawigan para malaman kung may mga baboy na tinamaan ng ASF.
Sa Metro Manila, sa susunod na linggo ay magkakaroon ng quarantine checkpoint sa iba’t ibang lugar sa Quezon City habang si Manila Mayor Isko Moreno ay inutusan ang Veterinary Inspection Board na magsagawa ng intensified inspections sa lungsod.
Una nang ibinawal ng panlalawigang pamahalaan ng Pangasinan ang pagpasok ng mga baboy mula sa ibang lugar sa Luzon.
Ibinawal naman ng Bohol provincial government ang pagbiyahe ng baboy kung walang health certificate, meat inspection certificate at shipping permit.
Iniulat ni acting Agriculture Secretary William Dar ang pagdami ng namatay na mga baboy sa Rodriguez, Rizal, bagay na kinukumpirma pa ang dahilan sa pamamagitan ng lab test.