Malacañang: Paghingi ng permiso ng foreign vessels hindi labag sa freedom of navigation

Binigyang katwiran ng Palasyo ng Malacañang ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat humingi ng permiso ang lahat ng foreign vessels na dadaan sa territorial waters ng Pilipinas.

Sa pulong balitaan sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na tulad ng sinabi ng presidente, gagawin ang paghingi ng permiso upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan.

Mas maganda na rin anyang alam ng gobyerno ng Pilipinas ang pagdaan ng foreign vessels upang matiyak ang kanilang seguridad.

“Sabi nga ni Presidente, to avoid misunderstanding. Ibig sabihin mas maganda yung alam natin para we can secure them also. ‘Di ba?,” ani Panelo.

Iginiit din ng kalihim na hindi labag sa freedom of navigation ang kautusan ng presidente.

“Hindi naman, baka precisely the purpose is to secure them para alam natin kung may daraanan doon, di may escort pa silang Coastguard,” giit ni Panelo.

Sa ngayon, sinabi ni Panelo na wala pa siyang natatanggap na ulat kung sumusunod ang foreign vessels sa kautusan ni Duterte.

Ang kautusan ng presidente noong Martes ay matapos ang makailang beses na pagdaan ng Chinese warships sa Sibutu Strait sa Tawi-Tawi nang walang paalam sa Pilipinas.

 

Read more...