Ely Pamatong nahaharap sa perpetual disqualification sa halalan

ely pamatong
Inquirer.net file photo

Nahaharap sa perpetual disqualification sa pagtakbo para sa anumang pampublikong tanggapan ang kontrobersyal na si Ely Pamatong at 91 pang kumandidato simula noong 2007 elections.

Base sa ipinalabas na pahayag ng Commission on Elections, ang pagdiskuwalipika sa mga kumandidato sa nakalipas na tatlong eleksyon ay bunsod nang kabiguan nilang magsumite ng kanilang campaign finance statements.

Pinansin ng Comelec na walang statements of contributions and expenditures o SOCE si Pamatong noong 2007 elections kung kailan tinangka niyang maging gobernador ng Pampanga at noong 2013 elections nang kumandidato siya bilang kinatawan ng unang distrito ng Davao City.

Kabilang din si Pamatong sa nag-file ng Certificate of Candidacy para sa 2016 presidential election ngunit idineklara na ng Comelec na nuisance candidate.

Maging ang nais maging senador na si Greco Belgica ay hindi naghain ng kanyang SOCE nang kumandidato siya sa pagka-kinatawan ng ika-anim na distrito ng Maynila noong 2007 at pagka-senador noong 2013.

Pinansin ng Comelec na sa Western Visayas may pinakamaraming bilang ng mga kumandidato na walang SOCE at ito ay 22 habang 21 naman sa Northern Mindanao at 16 sa ARMM.

Noon nakaraang Oktubre, 785 candidates ang lumabag sa SOCE requirements sa nakalipas na tatlong pambansang halalan ayon pa rin ito sa Comelec.

Read more...