Recto: Pagbili ng P19.1B halaga ng mga gamot at bakuna nakapaloob sa 2020 budget

Inihayag ni Senate Pro Tempore Ralph Recto na nakapaloob sa panukalang P4.1 trilyong pambansang pondo sa 2020 ang pagbili ng gobyerno ng P19.1 bilyong halaga ng mga gamot at bakuna.

Ayon kay Recto, 80 porsyento ng mga bibilhing gamot at bakuna ay ipapadala sa mga lalawigan.

Pinuri ng senador ang naturang plano dahil patunay ito na natuto na ang pamahalaan na wala nang masasayang na mga gamot sa mga bodega ng Department of Health (DOH).

Sa 36 pahinang budget message ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa panukalang national budget sa susunod na taon, sinabi ng pangulo na 80 porsyento ng mga bibilhing gamot at bakuna ay ipapadala sa mga probinsya kung saan marami ang nagkakasakit.

“Kung ang gamot ay dapat fast-acting, ganoon din dapat ang distribution nito. This rule in dispensing drugs is as old as the proverb ‘Aanhin pa ang damo, kung patay na ang kabayo?” pahayag ni Recto.

Hinimok naman ng senador ang DOH na ipamahagi na ang mga stock na gamot kaysa mag-expire, mabulok o masayang.

 

Read more...