Wildfires sa Amazon ngayong 2019 record-breaking ayon sa isang space agency

AP photo

Ikinaalarama ngayon ng mga mamamayan sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang malawakang wildfire sa Amazon, ang pinakamalaking rainforest sa buong mundo.

Sa ulat ng National Institute for Space and Research, lumalabas na 84 percent ang naging pagtaas sa bilang ng sunog sa naturang kagubatan ngayong 2019 kumpara noong 2018.

Simula noong Enero, nakapagtala na ng 72,000 na sunog sa Amazon.

Sa Twitter, maraming mamamayan ang nag-tweet gamit ang #PrayforAmazonia para ipaalam ang nagaganap na wildfire at batikusin ang environmental policies ni Brazil President Jair Bolsonaro.

Ang malawakang sunog ngayon ay sa gitna ng pagsibak ni Bolsonaro sa direktor ng space agency dahil sa deforestation data na inilabas nito.

Sinisisi rin ng conservationists ang presidente sa kinahinatnan ng Amazon dahil sa umano’y paghimok nito sa illegal loggers at magsasaka na makalbo ang kagubatan.

Ayon pa sa ilang scientists, bumilis ang pagkalbo sa rainforest mula nang maupo si Bolsonaro.

Mahalaga ang papel ng Amazon sa mundo bilang carbon store at pinababagal nito ang paglala ng global warming.

Tahanan din ito ng higit tatlong milyong species ng hayop at halaman at maging ng isang milyong indigenous people.

Nagdeklara na ang state of Amazonas, ang pinakamalaking state sa Brazil ng state of emergency dahil sa malawakang sunog.

 

 

Read more...