Tuluyan nang hindi makakasama ng Gilas Pilipinas ang Filipino-American NBA player na si Jordan Clarkson sa pagsabak sa Fiba World Cup.
Ayon kay Gilas head coach Yeng Guiao, malamang na hindi na nila makakasama si Clarkson dahil hindi nagbago ng desisyon ang FIBA.
Huli na rin anya sa puntong ito na makasama si Clarkson ng national basketball team.
Matatandaan na sa Asian Games noong nakaraang taon ay nakapag-laro si Clarkson para sa Pilipinas at ito ang naging flag-bearer ng bansa.
Paliwanag ni Guiao, hindi nagbago ang unang desisyon ng FIBA na ipinagbawal ang muling paglalaro ni Clarkson para sa Gilas.
Sa ilalim ng Fiba rules, ang manlalaro na may karapatang makakuha ng second nationality at birth ay eligible na maging kinatawan ng naturang bansa o maglaro bilang local player sa kundisyon na nakakuha ito ng pasaporte bago naging 16 anyos, bagay na hindi nagawa ni Clarkson.
Umapela ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa Fiba na payagang maglaro para sa bansa si Clarkson pero hanggang ngayon ay walang bagong desisyon ang liga para sa naturang Cleveland Cavaliers guard.
Nakatakdang ianunsyo ni Guiao ang final 12 ng Gilas matapos ang practice game ng team laban sa Australia sa Biyernes at Linggo.