Pansamantalang naantala ang simula ng nakatakdang prusisyon ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila kaninang madaling araw.
Dahil ito sa pagdagsa ng daang-daang deboto ng Black Nazarene sa Plaza Miranda.
Dinala ang imahen sa simbahan ng Quiapo dakong alas kuwatro ng madaling araw pero naantala ang simula ng thanksgiving procession dahil sa dami ng mga tao na nagtulakan para makalapit sa Itim na Nazareno.
Naging masikip din ang daloy ng trapiko sa paligid ng simbahan dahil sa pagsasara ng ilang lansangan bunsod ng prusisyon.
Dahil sa maraming tao ay nagdesisyon ang mga opisyal ng simbahan na ibalik muna ang Black Nazarene sa Quiapo Church at inilabas na lang ito kalaunan kaya natuloy din ang prusisyon.
Pero naging mabagal ang usad ng prusisyon dahil sa bulto ng mga tao. Dakong alas otso ng umaga ay nasa bahagi pa lang ito Recto Avenue.Tinatayang mga ala una pa ng hapon matatapos ang prusisyon.
Tradisyunal na ginagawa ang thanksgiving procession tuwing January 1 matapos ang pagsalubong sa bagong taon pero para sa kaligtasan mula sa new year’s revelry ay pinaaga ito ngayon.