Minorya sa Kamara, sang-ayon sa pag-doble kayod para maipasa ang 2020 budget

Handang makipagtrabaho ang minorya sa Kamara sa majority group upang maipasa nang “on time and on target” ang panukalang P4.1-trillion 2020 national budget.

Ayon kay House Minority Leader Benny Abante, gaya ng kanilang mga kasamahan sa mayorya, handa rin silang mag-overtime para matiyak na maipapasa sa Oktubre ang pambansang pondo.

Alam naman aniya ng lahat na mahalagang matapos sa takdang oras ang budget deliberations dahil nakasalalay dito ang pagpopondo sa mga proyekto, programa at serbisyo ng gobyerno.

Pero binigyang diin ng minority leader na bukod sa pagpasa on time, dapat masiguro rin na on target ang budget o may partikular na layunin at mapupuntahan ang alokasyon.

Sabi ni Abante, dito papasok ang pagiging fiscalizer ng minorya para matiyak na siyento porsiyentong magagamit ng maayos at mag-aangat sa pamumuhay ng mahigit 100 milyong Filipino ang ipapasang mahigit P4 trilyong pondo para sa susunod na taon.

Kaisa rin aniya ang minorya sa naisin ng mayorya na iwasang maantala ang budget deliberations kaya hinihimok rin nila ang mga kasamahang kongresista na iwasan ang grandstanding.

Read more...