Marathon hearing at sesyon para sa panukalang 2020 budget, ikinakasa sa Kamara

Magkakasa ng marathon budget hearing at sesyon ang Kamara para matiyak ang pagpasa sa panukalang P4.1 trillion na national budget sa 2020.

Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, nagkasundo ang mga kongresista na magtatrabaho mula umaga hanggang gabi, Lunes hanggang Biyernes para maaprubahan ang pambansang pondo sa Oktubre at maisabatas bago magtapos ang taon.

Apat na budget hearings ang isasagawa araw-araw habang magsisimula ang sesyon sa plenaryo sa ganap na 5:00 ng hapon mula sa kasalukuyang 3:00 ng hapon.

Simula sa September 12 ay palalawigin na rin ang plenary sessions hanggang Biyernes para masusing maisalang sa deliberasyon ang General Appropriations Bill.

Sa bisa naman ng Section 35 ng House Rules ay pinahintulutan ng Majority Leader ang hiling ni Appropriations Committee Chairman Isidro Ungab na magsagawa ng budget hearings sa kasagsagan ng sesyon sa plenaryo.

Paliwanag ni Romualdez, sa ganitong paraan ay mabibigyan ng sapat na panahon ang Senado para himayin ang aaprubahang national budget ng Kamara at upang maisalang sa bicameral conference committee sa unang linggo ng Disyembre.

Read more...