Ang papuri ay ginawa ni Ambassador Harpaz sa Quezon Memorial Circle kasunod ng ika-141 taong paggunita sa kaarawan ng dating pangulo ngayong araw.
Panauhing pandangal ang opisyal ng Israel sa okasyon na pinangunahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Ambassador Harpaz na hindi makakalimutan ng mga Israeli ang ginawang pagkupkop ng Pilipinas sa 1,200 Jewish refugees sa kasagsagan ng European holocaust noong 1941 hanggang 1945.
Batay sa kasaysayan hinangaan noon si Pangulong Quezon maging ng ibang mga bansa dahil sa kanyang pagkupkop sa mga hudyo na tumakas sa kanilang bansa dahil sa pagpatay ng kinatatakutan noon na Nazi.
Nag-alay ng bulaklak ang Israeli official sa bantayog ni Pangulong Quezon.
Samantala sa talumpati naman ni Mayor Belmonte, unang taon aniya ito ng kanyang panunungkulan na magiging hudyat para ituloy ang iba pang mga magagandang plano ni Quezon na hindi pa nagagawa.