Nakabalik na ng Pilipinas ang tatlong Pinay senior citizens na una nang napaulat na nawawala matapos mag-stop-over sa China.
Linggo ng gabi, dumating na sa Maynila sina Pacita Varela De Guzman, 77 anyos, Erlinda Varela Guce, 72 anyos at Josefina Varela Baysic, 71 anyos, pawang mga retiradong guro.
Noong August 10, dumating sa China mula sa United States ang tatlong matanda at naka-iskedyul para sa isang connecting flight patungong Pilipinas.
Gayunman, nakansela ang connecting flight dahil sa masamang panahon.
Dahil dito, nag-abiso ang tatlo sa kanilang mga kaaanak na naghihintay sa NAIA na umuwi na muna sa kanilang mga bahay dahil nakansela ang biyahe.
Nakatanggap umano ng impormasyon ang mga kaanak ng tatlo na imbes na sa Pudong International Airport, sa Wuhan Tianhe International Airport lumapag ang eroplanong sinakyan ng tatlo.
Makalipas ang isang linggo, hindi nakontak ang matatanda at iniulat na nawawala.
Pinabalik sa airport ang matatanda nang wala pang na-ibobook na flight pabalik ng Pilipinas para sa mga ito.
Dahil dito, ilang araw na namalagi sa airport ang matatanda na nahirapan pang makipag-usap sa mga taga-airport dahil hindi nakakaintindi ang personnel ng Ingles.