Sa ilalim ng host town initiative ng Japanese government, ang mga local municipalities ng Japan ay makakasama ang mga atleta sa ilang mga aktibidad bago at matapos ang palaro.
Layon ng programa na mapalalim ang kaalaman ng mga banyaga tungkol sa Japan.
Ayon sa ulat ng Kyodo News, hanggang 416 bayan pa lang ang nairehistro para maging host towns ng 136 bansa.
Dahil dito, todo-kumbinsi na ang gobyerno sa iba pang bayan na pumayag maging host towns ng natitirang 71 bansa.
Ang pagpayag ng isang bayan na maging host town ay may kapalit na subsidiya mula sa central government.
Ang host town initiative ay sa Japan lamang nagaganap at nagsimula ito noon pang 1998 Nagano Winter Olympics.
Kailangan lamang ng isang municipal government na magparehistro sa central government para maging host town.
Makapamimili rin ang munisipalidad ng nais nilang bansa.
Sa ngayon, Taiwan ang may pinakamaraming host na umabot sa 20 munisipalidad.
Wala pang host towns ang maraming bansa sa Africa, Latin America at Middle East.