‘Mga bangko, wag namang gahaman masyado’ sa “Wag Kang Pikon!” ni Jake Maderazo

FILE – In this Saturday, Jan. 5, 2013 file photo, a person inserts a debit card into an ATM in Pittsburgh. Security experts say consumers still need to keep a close eye on their checking and savings, as epic computer breaches are becoming all too common. (AP Photo/Gene J. Puskar, File)

Inalis ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang anim na taong “moratorium” sa pagtataas ng singil sa ATM na ngayon ay nasa P15 bawat withdrawal. Meron daw sampung bangko ang nagpetisyon na itaas ito sa P30 o doble. Maraming sektor ang pumalag lalo na ang labor sector lalot lahat ng payroll system ngayon, maging sa mga opisina ay gumagamit ng ATM. Sa kabuuan, meron na raw 58-M ang ATM users at 4.1-M dito ay mga “minimum wage earners.”

Ayon sa BSP, titiyakin nilang magiging makatarungan ang alinmang adjustment sa ATM withdrawal fees. Pero, sabi naman ng labor sector, ang kasalukuyang P15 ay 3 percent ng maliiit nilang “daily minimum wage” at kung dodoblehin, lalo silang mababawasan ng kita.

Kung susuriin, talaga namang matindi ang pagka-gahaman ng maraming bangko sa bansa natin at itong BSP, bilang regulator, ay parang nagtetengang-kawali sa mga kritisismo ng taumbayan. Nagtataka pa ba kayo kung bakit merong 52.8 milyon na kababayan natin ay walang tiwala sa mga bangko? Siyempre 60% nito ay walang mga pera, pero higit 20 milyon ang ayaw talagang ilagay ang pera nila bangko. Maraming dahilan kung bakit.

Unang una, kailangan ang “daily minimum balance” mo ay P10,000. Kaya ba ito ng simpleng si Juan de la Cruz? Kapag bumaba ka sa limit na ito, at hindi mo naasikaso, halimbawa, nagkasakit ka o kaya’y nangibang bansa o lumipat ng lugar, babawasan ng banko ng pera mo ng P300 bawat buwan hanggang sa maubos lahat ng P10,000 mo sa loob ng 33 buwan. Kung minsan nga, P500 bawat buwan ang bawas. Akala ko ba noon iwan mo ang pera mo sa bangko at bayaan mong tumubo at lalong lumaki? Ngayon, sila na mismo ang uubos nito.

Ikalawa, masyadong “taga” ang inaabot mo sa bawat withdrawal o deposit . Kapag nag-withdraw ka sa ATM, may mga bangkong sumisingil ng P100.

Ikatlo, kung ikaw naman ay magpapadala ng pera o tatanggap ng pera mula sa probinsya o labas ng Metro Manila, sisingilin ka ng P100 kahit over-the counter.

Ikaapat, kapag may babayaran kang depositor sa labas ng metro Manila sa pamamagitan ng kanyang bank account, sisingilin ka ng P50 bilang inter-regional charge sa bawat transaksyon. Akala ko ba “unibanking” at nationwide ang kanilang facilities, bakit ginawag de-metro ang singilan? Isipin niyo, ang pera ay nakadeposito sa kanila at kanilang pinakikinabangan,pagkatapos gagalaw lang ng konti ay katakut-takot na ‘charges” ang ipapataw?

Ikalima, kapag nagpautang ang bangko , ang pinakamababang interest nila ay 5% pero kapag ikaw ay nagdeposito , ang interest ay kulang pa sa 1%.

Kaya , hindi nakakapagtaka nitong January to March 2019, umakyat ng higit 28% ang kinita ng mga bangko sa lahat lahat. At mula sa “interest income” lamang, umakyat ito ng 32.3 % samantalang sa mga “fees and commissions” ay lumipad ito ng 26%.

Isipin ninyo, sa interes at mga internal charges, napakalaki ng kinikita ng mga bangko. Ngayon, nag-paplanong doblehin pa ang mga ATM charges at ituloy pa ang kanilang “internal charging” sa mga di makapagreklamong mga depositor.

May aasahan bang proteksyon ang 58 milyong ATM depositors laban sa mga gahamang bangko, BSP governor Benjamin Diokno Jr.?

Read more...