Chinese workers sa POGO outlets, hindi dapat tingnan bilang mga espiya ayon sa Chinese Embassy

Kinwestyon ni Chinese Ambassador Zhao Jianhua ang pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana patungkol sa pagiging espiya umano ng mga Chinese workers na nasa Pilipinas.

Kasunod ito ng sinabi ni Lorenzana na posibleng mag-espiya ang mga China workers ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) outlets na nakatayo malapit sa mga base ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, nagtext si Zhao sa kaniya at sinabing paano kung isipin din ng China na espiya ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) na nasa kanilang tertitoryo.

Aniya, maaaring ibig sabihin ng ambassador na hindi dapat nag-iisip ang mga Pilipino ng ganoon patungkol sa mga dayuhang Chinese.

Sinabi rin ni Panelo na maaaring ang nagiging problema ay masyadong ‘security conscious’ ang Pilipinas.

Magugunita na naghayag ng pagkabahala si Lorenzana sa dumaraming POGO outlets na malapit sa mga kampo ng militar at pulisya sa Metro Manila at iba pang lugar sa Pilipinas.

Read more...