Palasyo nais ugatin ang dahilan ng pagdaan ng mga barkong pandigma ng China sa Sibutu Strait

Nais ng Malakanyang na malaman kung bakit dumaraan sa Sibutu Strait ang mga barkong pandigma ng China.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, mahalaga na malaman ang dahilan ng pagdaan ng Chinese warships sa naturang teritoryo ng Pilipinas.

Mahalaga rin anya na matalakay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isyu sa muling pagkikita nila ni Chinese President Xi Jinping ngayong buwan ng Agosto.

Gayuman sinabi ng Kalihim na depende na sa Pangulo kung anong isyu ang nais nitong mapag-usapan nila ni President Xi.

Una nang nagpahayag ng pagka-alarma ang Palasyo na lima pang Chinese warships ang naglayag sa Sibutu Strait nang walang abiso.

Binanggit pa ni Panelo ang hiwalay na pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na paulit-ulit na lamang ang pangyayari kaya dapat nang malaman ng bansa kung bakit dumaraan sa lugar ang mga barko ng China.

Ayon sa Palasyo, ito ay maaaring paglabag sa United Nations Convention of the Law of the Sea (UNCLOS).

 

Read more...