POGO, binabantyaan ng AFP

Hindi isinasawalang bahala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagsulpot ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) malapit sa mga kampo ng militar.

Kapansin-pansin kasi ang pagdikit ng mga POGO ilang metro lamang ang distansya sa mga kampo ng militar partikular na sa Metro Manila.

Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal, kasunod nito, hindi maihihiwalay ang pag-unlad at ang seguridad lalo’t malaki ang pakinabang ng gobyerno sa kinikita ng mga gaming operator na kadalasang pinatatakbo ng mga Tsino.

Kadalasan kasing nakapaloob sa development areas ang mga kampo ng militar kaya’t hindi nila maaaring itaboy ang mga POGO na itinatayo malapit sa mga ito.

Kabilang sa mga POGO na nakatayo sa Metro Manila ay sa Araneta Center sa Cubao na malapit lang sa Kampo Aguinaldo gayundin ang POGO na nakatayo sa Bonifacio Global City na malapit din sa mga Kampo ng Philippine Army at Marines.

Gayundin ang mga POGO na nakatayo sa Lungsod ng Maynila na malapit naman sa tanggapan ng Philippine Navy

Gayunman, sinabi ng AFP chief na kung may gumagamit sa mga POGO bilang surveillance, hindi sila mangingiming manmanan ang mga ito lalo’t kung nakataya rito ang pambansang seguridad at soberanya ng bansa.

Read more...